Planong pataasin ng Department of Health (DOH) ang sahod at palakasin ang benepisyo ng mga healthcare workers sa pampubliko at pribadong sektor.
Kasunod ito ng maraming healthcare workers ang nag-resign o umalis sa kanilang trabaho at mas pinipili nalang mangibang bansa dahil sa mas malaki o mas mataas ang sweldo kumpara sa Pilipinas.
Nabatid na aabot lamang sa P12,000 sa loob ng isang buwan ang kinikita ng mga healthcare workers sa pribadong ospital habang nasa salary grade 15 naman o katumbas ng mahigit P35,000 ang buwanang sahod ng mga healthcare workers na nasa pampublikong ospital.
Ayon kay DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire, mas maliit ito kung bikukumpara sa kinikita ng mga nasa probinsya.
Iginiit ni Vergeire na pinag-aaralan na nila ang posibleng solusyon upang mahikayat ang mga doctor at nurses na huwag nang umalis ng pilipinas para magtrabaho sa ibang bansa.
Sinabi pa ng opisyal na plano rin ng ahensya na makapagbigay ng mas marami pang scholarships para sa mga estudyanteng nagnanais magtrabaho sa larangan ng kalusugan at medisina kung saan noong nakaraang taon, pumalo sa 80,907 estudyante ang nakapag-enroll sa kanilang e-learning modules at 653 naman sa kanilang pre-service at in-service scholars.