Makabubuting dagdagan na lamang ang ibinibigay na 200 Pisong Unconditional Cash Transfer kada buwan ng pamahalaan sa mahihirap na pamilyang Pilipino.
Ito ang nakikitang solusyon ng Department of Finance upang hindi labis na masaktan ang mga mahihirap sa pagsipa ng inflation rate sa bansa na resulta ng pagpapatupad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law.
Sa pagdinig ng Senado kahapon kaugnay sa TRAIN Law, kinastigo ni Senador Sherwin Gatchalian ang Finance Department dahil nabunyag na hindi pa pala natatapos ng Department of Social Welfare and Development ang pamamahagi sa may 10 Milyong pamilyang nangangailangan nito.
Kahapon, inamin ng mga economic managers ng pamahalaan ang biglaang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin mula nang ipatupad ang TRAIN Law na nagpapataw ng excise tax sa lahat ng mga produktong petrolyo, matatamis na inumin at iba pa.
Paliwanag ng finance department, bukod anila kasi sa mga nabanggit, may ilang hindi inaasahan ding nag-ambag sa pagmahal ng presyo ng mga bilihin tulad ng paghina ng Piso, pagtaas ng presyo ng bigas dulot ng pagkaubos ng mga NFA Rice at ang pagtaas ng presyo ng langis sa world market.
Dahil dito, ipinanukala ni Senador Bam Aquino sa pamahalaan na suspindehin muna ang pagpapataw ng excise tax sa mga produktong petrolyo hangga’t mataas pa ang presyo ng langis, bagay na kinontra naman ng mga economic managers ng admnistrasyon.