Hinimok ng isang research and advocacy group ang Senado na ibasura ang umano’y aabot sa P38 bilyong tax exemption na ipinagkaloob ng mga mambabatas sa proyekto ng San Miguel Corporation na international airport sa lalawigan ng Bulacan.
Ayon sa grupong Action for Economic Reforms, isang non-government organization na bihasa sa mga isyung pang-ekonomiya at pagbubuwis, hindi umano dapat ipatong sa balikat ng taxpayers ang mga ‘pasanin’ ng pribadong negosyanteng naghangad na magpatayo ng bagong paliparan sa Bulacan.
Ang tinutukoy ng AER ay ang tax perks at iba pang exemptions na nakapaloob sa 50 years franchise na ipinasa sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara kamakailan lang
“during the 10-year construction period, the grantee shall be exempt from any and all direct and indirect taxes and fees of any kind, nature or description, which emanates exclusively from the construction, development, establishment and operation of the airport and airport city, including income taxes, value-added taxes, percentage taxes, excise taxes, documentary stamp taxes, customs duties and tariffs, taxes on real estate, buildings and personal property, business taxes, franchise taxes and supervision fees, levied established or collected, by any city, municipal, provincial or national authority.”
Bilang tugon sa umano’y sobra-sobrang paglibre sa buwis at mga taripa ng gobyerno, sinabi ng AER na may kalayaan umano ang San Miguel Corp. na magpatayo ng paliparan upang kumpetensiyahin ang Ninoy Aquino at Clark International Airport
Ayon pa sa grupo, naging malinaw din umano ang panuntunan ng gobyerno na hindi dapat magamit ang public funds na pantapal or magamit na pansalo sa pribadong puhunan o gastusin
Kaya’t nakatitiyak ang grupo na hindi papayag ang Finance Department na pasanin ng taumbayan ang tinatawag na ‘unsolicited private undertakings.
“The costs and risks of building the 2,500-hectare SMC Aerocity have to be shouldered by Ang’s companies,” mariing paglilinaw ng AER.
Nauna nang kinontra ni Finance Asst/Sec. Teresa Habitan ang panukalang tax perks para sa Bulacan airport project pero lumusot pa rin ang mga nasabing insentibo sa Kamara
Mismong si House committee on ways and means Joey Salceda ang nagsabi na pwede umanong umabot sa P38 bilyon ang ‘foregone revenue’ sa national government mula sa pag-umpisa ng konstruksiyon
Tinatayang aabot din sa P1.5 bilyon hanggang P2 bilyon kada taon ang mawawala sa gobyerno kapag nagsimula na ang airport operations.