Isinusulong ni Senador Ralph Recto ang pagtatayo ng mga gymnasium o covered court sa bawat lungsod at munisipilidad sa bansa na maaaring gamiting evacuation centers sa oras ng kalamidad.
Sa gitna ito ng nagpapatuloy na pag-aalburuto ng Bulkang Mayon kung saan aabot na sa halos 80,000 mga residente ang nailikas sa mga bayan sa Albay.
Ayon kay Recto, bukod sa mga direktang tinatamaan ng kalamidad, maituturing na ring Internally Displaced Persons (IDP’s) ang mga estudyanteng hindi makapapasok dahil ang kanilang mga paalaran ay ginagawang evacuation centers.
Iginiit ni Recto na hindi masasayang ang mga nasabing gymnasium dahil maaari itong gamiting venue para sa mga community event sa mga ordinaryong araw at imbakan ng mga emergency supplies o disaster rescue equipment.
Samantala, sinabi naman ni Albay Governor Al Francis Bichara na nakipag-ugnayan na siya sa Department of Education (DepEd) para makabalik-eskwela na ang mga mag-aaral na naaapektuhan naman sa mga silid aralan na ginagamit bilang mga evacuation center.