Hinimok ni deputy speaker at Batangas Representative Ralph Recto ang pamahalaan na magpatayo ng ilan pang mga silid-aklatan o libraries na may Wifi upang mapabuting muli ang reading comprehension ng mga mag-aaral.
Ayon kay Recto, ito ay bilang tugon sa pagpwesto ng Pilipinas sa dulo sa 79 na bansang isinailalim sa 2018 Program for International Student Assessment o PISA.
Giit ng representante, dapat matuldukan na ang matagal nang pagbabakasyon ng pagtatayo ng mga library at ibalik na ang pondo para rito sa 2023 national budget.
Ipinunto ni recto na bunsod ng pandemya ay umabot na sa 15% ang mga mag-aaral na hindi marunong magbasa batay sa ulat ng United Nations Children’s Fund.
Kaugnay nito, sinabi din ni Recto, malaki ang maitutulong ng mga silid-aklatan sa pagiging maalam ng mga mag-aaral at maihanda ang mga ito sa mas malalim na pag-unawa sa matematika, siyensya, economics, at iba pa.—sa panulat ni Hannah Oledan