Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbuo ng permanenteng evacuation center prototype na masisilungan ng mga tao sa oras ng sakuna at kalamidad.
Ayon kay Presidential Adviser on Political Affairs Francis Tolentino, sa naging cabinet meeting noong Lunes, Pebrero 5, ay inatasan na ng Pangulo ang National Housing Authority o NHA para gumawa ng permanent evacuation centers.
Ikinatwiran ng Pangulo na madalas naman na tinatamaan ng bagyo ang bansa at hindi din maiiwasan ang ilang kalamidad tulad ng pagputok ng bulkan.
Tinukoy naman ni Tolentino, madalas na nagagamit ang pampublikong paaralan bilang evacuation center kaya’t apektado maging ang pag-aaral ng mga estudyante.
Una dito ay ipinabatid ni Tolentino na naghahanda na ang gobyerno sa posibleng mahabang evacuation kasunod ng patuloy na pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.
Sinabi ni Tolentino na tinatantiya ng Malakanyang na tatagal pa ng mahigit isandaang (100) araw ang evacuation situation, base sa aktibidad ngayon ng Bulkang Mayon.