Kapansin-pansin ngayon ang pagtaas sa presyo ng itlog. Ayon sa mga ulat, nagkakaroon ng dayaan sa presyo nito. Kamakailan nga lang, iminungkahi ng isang mambabatas na gawing per kilo na lang ang bentahan ng itlog, na siya namang binasag ni House Speaker Martin Romualdez.
Dahil sa avian influenza o mas kilala natin bilang bird flu, naitalang bumaba ng 20% ang produksyon ng itlog sa bansa. Isa ito sa mga dahilan kung bakit may kakulangan ng supply sa itlog.
Naniniwala naman si Romualdez na bababa ang presyo ng manok at itlog sa oras na matupad ang plano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makakuha ng avian flu vaccines. Umaasa rin ang House Speaker na maisasabatas na ang panukalang magpapatayo sa Virology and Vaccine Institute of the Philippines (VIP) upang maiwasan ang ganitong insidente.
Matatandaang legislative priority ni Pangulong Marcos ang pagtatatag ng virology and vaccine research institute sa bansa.
Dahil sa COVID-19 pandemic, maraming bansa ang nahikayat na magkaroon ng high-level biosafety laboratories. Kabilang na dito ang Pilipinas.
Kaya naman noong December 5, 2022, inapruba ng 216 na mambabatas sa third and final reading ang House Bill No. 6452 o ang panukalang pagpapatayo ng virology institute sa bansa.
Sa kasalukuyan, mayroong Research Institute for Tropical Medicine sa Muntinlupa na nag-aaral infectious at tropical diseases.
Sa VIP naman, dito pag-aaralan at gagawa ng mga gamot at bakuna laban sa virus at viral diseases na nakaapekto sa mga tao, hayop, at pati na rin sa mga halaman.
Ayon sa Department of Science and Technology (DOST), target na maipatayo ang virology institute sa New Clark City sa Capas, Tarlac sa katapusan ng 2023 o sa 2024. Ang nasabing institusyon ay magkakaroon ng lecture halls, greenhouses, at laboratories, kabilang na ang Biosafety level 4 (BSL-4) lab, ang highest level ng biosafety precautions.
Nakikita ng DOST ang VIP bilang premier research and development institute sa field ng virology na tutulong sa bansang maghanda kung sakaling magkaroon ulit ng pandemya.
Para naman kay Pangulong Marcos, malaking tulong sa kaligtasan ng mga Pilipino ang pagkakaroon ng sariling virology institute. Pangako niya, “We will continue to work so that our people are safer, so that our citizens have better access to health care and so that the quality of our health care will improve.”