Pinamamadali na ng kamara sa senado ang pagpasa sa pagpapatibay sa Department of Disaster Resilience (DDR Bill) na may layuning matugunan ang naging pinsala dulot ng bagyong Maring.
Matatandaang umabot sa mahigit 1.2 bilyong halaga ang nasira sa agrikultura dahil sa pananalasa ng bagyong Maring.
Bukod pa sa baha ay nasira din ang ilang mga daan at tulay habang nakaranas naman ng landslide sa ilang mga rehiyon.
Nasawi din ang nasa 30 indibidwal habang pinaghahanap pa ang ibang nawawala makaraang agusin ng agos ng baha.
Ayon kay ACT-CIS Partylist Rep. Eric Yap, dapat na mayroong ahensya na magbubuo at mangunguna upang maging maayos at malinaw ang sistema sa bansa.
Sinabi pa ni Yap na ito din ang gagabay sa pamahalaan at maghahanda sa taumbayan sa panahon ng kalamidad.—sa panulat ni Angelica Doctolero