Minaliit ni Atty. Estrella Elamparo ang pagpapatibay ng Korte Suprema sa Temporary Restraining Order (TRO) na pumipigil sa pagpapatupad ng Commission on Elections (COMELEC) resolution na nagbabasura sa certificate of candidacy ni (COC) ni Senador Poe.
Si Atty. Elamparo ay isa sa mga nagpetisyon at nakakuha ng paborableng desisyon sa COMELEC para ibasura ang COC ni Senador Poe dahil kasinungalingan ang inilagay niyang impormasyon na siya ay natural born citizen at nakasunod siya sa 10-year residency requirement.
Ayon kay Elamparo, pinagtibay lamang naman ng Supreme Court ang naunang TRO na inisyu ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno noong panahong walang sesyon ang kataas-taasang hukuman.
“Sinabi na siguro dapat habang pending ang kaso o nakabinbin ang kaso sa Korte Suprema ay manatili muna ang TRO, ibig sabihin lamang nito ay hindi naman panalo na si Senadora Grace Poe o granted na ang kanyang petition, ibig sabihin nito ay habang nakabinbin pa ang petisyon ay siya ay mananatili pang kandidato.” Ani Elamparo.
Iginiit ni Elamparo na dapat tanggalin sa listahan ng mga botante si Poe habang dinidinig ang kanyang mga apela sa Supreme Court upang hindi na ito makalito sa mga botante.
“Yung mga boto na yun na nagkamaling i-cast ng mga botante dahil akala siya ay kandidato pa ay hindi po mabibilang, ang mangyayari doon ay matatawag siyang stray votes, so sayang naman po yung mga boto ng mga botante na yun, na sana naibigay na sa mga kandidato na talagang kuwalipikado.” Pahayag ni Elamparo.
By Len Aguirre | Ratsada Balita