Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang lahat ng Local Government Unit na ipatigil ang koleksyon ng kahit anong pass-through fee sa lahat ng sasakyan na nagdadala ng paninda at kalakal.
Kasama rito sa ipinatitigil ni Pangulong Marcos Jr. ang koleksyon ng sticker fees, discharging fees, delivery fees, market fees, toll fees, entry fees, mayor’s permit fees at iba pa.
Ayon sa Pangulo, hangad niyang ibaba ang gastos sa food logistics para makontrol ang epekto ng inflation rate sa bansa.
Sa ilalim ng Executive Order No. 41 na pinirmahan ni Executive Secretary Lucas P. Bersamin, layon ng direktiba ang mas mabisang paggalaw ng mga paninda at kalakal sa mga rehiyon upang buhayin ang mga lokal na industriya.
Kaakibat ang direktiba ni Pangulong Marcos Jr. na pagbaba ng transport at logistics costs sa 8-point socioeconomic agenda ng kanyang administrasyon.
Inatasan na rin ni Pangulong Marcos ang Department of Interior the and Local Government na kumalap ng kopya ng mga ordinansa ng mga LGU sa koleksyon ng pass-through fees bilang pagsunod sa Executive Order.