Ipinagpaliban ng Department of Transportation Inter-Agency Technical Working Group (DOTr-TWG) ang pagpapasiya hinggil sa magiging kahihinatnan ng pilot testing sa motorcycle-taxis tulad ng Angkas, Joy Ride at Move It.
Kasunod na rin ito ng naunang pasiya ng TWG na ipatigil na ang programa o pilot testing sa motorcycle-taxis sa ginanap na pagdinig ng senate committee on public services kahapon.
Ayon kay TWG Member at Transportation Assistant Secretary Bert Suansing, kanilang ikinukunsidera ang naging rekomendasyon ng ilang mga senador na ipagpatuloy ang pag-aaral at pilot testing sa mga motorcycle-taxis.
Gayunman, sinabi ni Suansing, hihintayin muna nilang matapos ang nakatakdang pagdinig ng mababang kapulungan ng Kongreso, bukas, Enero 22, bago magpasiya.
Ang desisyon namin, we defer that until tomorrow afteroon, dahil may hearing pa kami bukas sa Kongreso. Ang angbigay-buhay sa pilot program is ‘yung resolution ng Kongreso, the Lower House, kaya ang DOTr inatasan ng Kongreso na aralin ‘yung tungkol sa motorcycle-taxi, so ang ginawa ng departamento, nag-issue ng special order, department order, creating ‘yang tinatawang nating pilot program, nandiyan nakapaloob ‘yung Technical Working Group,” ani Suansing. —sa panayam ng Ratsada Balita
TWG itinanggi ang akusasyon na tila binalikan nila ang Angkas
Itinanggi ng Transportation Inter-Agency Technical Working Group (TWG) ang akusasyong tila kanilang binalikan ang motorcycle-hailing app na Angkas matapos na makailang beses silang sampahan ng kaso.
Kasunod ito ng naging pasiya ng TWG na ipatitigil na ang pilot testing at pag-aaral hinggil sa motorcycle-taxis gayundin ang rekomendasyong ipablacklist ang Angkas.
Ayon kay TWG member at Transportation Assistant Secretary Bert Suansing, nauwi sila sa nabanggit na pasiya matapos na ring mabalam ang kanilang trabaho bunsod ng mga inihaing kaso ng Angkas laban sa kanila.
Dagdag ni Suansing, ginamit na batayan ng TWG ang mga nakitang paglabag ng Angkas sa kanilang rekomendasyong ipablacklist ito.
Kasi nga dinemanda kami ng Angkas, so, ang palagay ng TWG nabalam na ‘yung trabaho namin, with that, napagpasyahan ng TWG, iminungkahi ito sa aming sekretaryo na ite-terminate na namin ‘yung pilot program, and work on the available data na we have. ‘Yung black-listing, that’s another issue, meron kaming provisions, executive order, ‘yan ‘yung nagke-create ng Land Transportation Franchising Regulatory Board na kapag ang isang entity or individual ay nahuli na nangungulorum, violation ‘yon, disqualified na siya sa pag-aapply ng prangkisa,” ani Suansing. —sa panayam ng Ratsada Balita