Ipinanawagan na ng Ako-Bicol Partylist sa Korte Suprema ang pagpapatigil sa provincial bus ban na sisimulang ipatupad ng Metropolitan Manila Development Authority sa Hunyo.
Sa 44 na pahinang petition for certiorari, hiniling ni Ako Bicol Party-list Chairperson Aderma Alcazar, Representatives Ronald Ang at Alfredo Garbin sa Supreme Court na agad maglabas ng temporary restraining order o writ of preliminary injunction.
Nais din ng grupo na ipatigil ng S.C ang issuance ng business permits ng lahat ng public utility bus at vehicle terminal na sanhi ng traffic congestion sa EDSA.
Ipinunto ng Ako Bicol na maliit na bilang o nasa 3,000 lamang ng mga provincial bus ang bumibyahe sa EDSA kada araw at pinaka-marami pa rin ang mga pribadong sasakyan na aabot sa 360,000.
Pinaka-apektado anila ng provincial bus ban ang daan-daang libong commuter na bumibyahe papasok at palabas ng Metro Manila kada araw.