Hindi natitinag si Pangulong Rodrigo Duterte sa ulat na ipinatigil na ng US State Department ang pagbebenta ng 26,000 na mga assault rifles sa Philippine National Police (PNP).
Ayon sa Pangulo, maraming baril na de bomba sa bansa kaya’t hindi nito kinakailangan ang naturang rifle deal sa Amerika.
Ipinagmalaki pa ni Duterte na walang dapat na ipag-alala dahil handa ang Russian government na magbigay ng anumang ayuda sa Pilipinas.
Una nang ipinahayag ng Malacañang na maaari naman bumili ng rifle ang Pilipinas hindi lamang amerika kundi sa iba pang bansa sa mundo.
PNP
Nanghihinayang naman ang Philippine National Police (PNP) sa balitang hindi na matutuloy ang rifle deal sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Ito ay dahil sa pag kontra ng isang US senator dahil sa umano’y human rights violation sa Pilipinas.
Ayon kay PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa, susubukan pa nyang makiusap sa Amerika depende kung papayagan siya ng Pangulong Rodrigo Duterte na gawin ito.
Sakali man aniyang hindi na talaga ito matutuloy, sinabi ni Dela Rosa na posibleng lumapit ang bansa sa China o sa iba pang mga bansa na maaaring mabilhan ng mga bagong baril.
Matatandaang nito lamang nakalipas na linggo ay itinigil na rin ng San Francisco Police Department Exchange Training Program sa PNP dahil pa rin sa alegasyon ng human rights violation kasunod nang isinusulong na kampanya kontra iligal na droga ng gobyerno.
By Rianne Briones