Walang dapat ipagbunyi ang mga Pilipino at iba pang may inaangking teritoryo sa West Philippine Sea sa ginagawang pagpapatrolya ng missile destroyer ng Estados Unidos malapit sa mga nilikhang isla ng China.
Ayon kay Professor Jose Antonio Custodio, isang military analyst, symbolic lamang ang pagpapatrolya ng U.S. sa West Philippine Sea para ipakita sa kanilang mga kaalyado tulad ng Pilipinas na hindi sila pinababayaan ng Amerika.
Binigyang diin ni Custodio na wala rin naman itong epekto sa ipinaglalabang teritoryo ng Pilipinas na pilit inaangkin ng China at maging sa ginagawang pangha-harass ng China sa mga mangingisda.
“Kahit na nagbubunyi tayo, tuwang-tuwa tayo sa nangyayari, tignan natin ang epekto nito, mamaya-maya magtanggal na tayo ng expedition sa south Scarborough shoal, di natin alam kung ano ang epekto, kaya nga andun pa din ang Chinese, parang mababawi ba natin ang Scarborough shoal mamaya, symbolic act pa rin ito na ipinapakitang they are here in the region.” Ani Custodio.
Ayon kay Custodio, ang problema sa Pilipinas ay hindi naman talaga ito kumikilos upang ipaglaban ang territorial claims nito sa West Philippine Sea at umaasa na lamang ito na tutulong ang Amerika.
“Samantalang tayo after 20 years of yung since Panganiban reef or Mischief reef wala, napakahina pa rin natin so yun ang problema sa situation natin, we are relying on the United States to defend us while we ourselves we are not even wanting to seriously do something about our territorial claim natin sa West Philippine Sea, yan ang problema natin eh, we want the last American soldier to die for our own territorial claim.” Pahayag ni Custodio.
***
Una rito, nakarating na sa artipisyal na isla ng China na bahagi ng Spratlys sa West Philippine Sea ang US Destroyer na USS Lassen.
Batay sa impormasyong ipinalabas ng isang US official, sinimulan na umano ng USS Lassen ang kanilang routine operations batay sa umiiral na international law.
Ngunit paglilinaw ng di nagpakilalang opisyal, walang partikular na bansa ang pinagtutuunan ng pansin ng Amerika sa ginagawa nitong hakbang.
Giit pa nito, handa silang magsagawa ng aerial at sea operations saan mang bahagi ng Pilipinas sa ilalim ng international law.
By Jaymark Dagala | Len Aguirre | Ratsada Balita