Ipagpapatuloy ng US Air Force ang kanilang pag-papatrol sa South China Sea sa kabila ng deployment ng China ng mga surface-to-air missile at fighter jet sa pinag-aagawang teritoryo.
Ayon kay General Lori Robinson, Commander ng US Pacific Air Forces, layunin ng kanilang hakbang na mapangalagaan ang malayang paglalayag at paglipad sa international airspace at waters na inaangkin ng Tsina.
Hinimok din ni Robinson ang ibang bansa kabilang ang mga claimant na panatilihin ang kanilang kalayaan sa paglalayag at paglipad upang maiwasan ang tuluyang pagsakop ng China sa kabuuan ng Spratly Islands.
Hindi naman idinetalye ng opisyal kung paano aaksyon ang Amerika sakaling pabagsakin ng Tsina ang isang US aircraft.
China
Muling pinasaringan ng China ang Amerika sa gitna ng umiinit na tensyon sa West Philippine Sea.
Iginiit ni Chinese Foreign Minister Wang Yi na hindi nila hahayaang manghimasok ang sinumang bansa sa kanilang ikinukunsiderang teritoryo sa Spratly Islands.
Ayon kay Wang, masyado ng gamit ang issue ng freedom of navigation sa rehiyon at malabo rin ang pahayag ng Amerika na isinasailalim ng Tsina sa militarisasyon ang mga pinag-aagawang teritoryo.
Pinaprotektahan lamang anya nila ang soberanya ng China kaya’t naglalagay sila ng mga defense equipment sa ilang bahagi ng Spratly Islands.
Bandang huli ay nanindigan si Wang na hindi sila tatalima sa anumang magiging pasya ng UN Arbitral Court dahil inihayag na ng China noong 2006 na hindi nito tatanggapin ang “compulsory procedures” kaugnay sa UN Convention on the Law of the Sea.
By Drew Nacino