Inalis na ng Supreme Court (SC) ang temporary restraining order laban sa kontrobersyal na Torre de Manila sa Taft Avenue, Maynila.
Sa desisyon ng SC na pinonente ni Senior Associate Justice Antonio Carpio, walang nakitang paglabag ang mga mahistrado sa batas sa panig ng DMCI na developer ng 49-storey condominium.
Pinaboran ang pasya ng walo pang mahistrado sa pangunguna ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno, Associate Justices Presbitero Velasco Junior, Lucas Bersamin, Mariano del Castillo, Bienvenido Reyes, Estela Perlas-Bernabe, Marvic leonen at Noel Tijam.
Bumoto naman kontra sa konstruksyon ng Torre de Manila sina Associate Justices Francis Jardeleza, Samuel Martires, Teresita de Castro, Diosdado Peralta, Jose Mendoza at Alfredo Caguioa.
Wala ring nakitang pruweba ang Korte Suprema na may masamang epekto sa komunidad ang pagpapatayo ng nasabing gusali.
Ipinaliwanag ng high court na walang batas na nagsasabing bawal ang pagtatayo ng building sa labas ng boundaries ng isang historic site o facility kung saan maka-aapekto ang gusali sa background o view ng makasaysayang lugar gaya ng bantayog ng pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal.
Ipinunto pa ng kataas-taasang hukuman na hindi naman binabanggit sa Republic Act 10066 o National Cultural Heritage Act of 2009 na maaaring maging “subject” sa cease-and-desist order ang isang gusali o property kung nakasasagabal ito sa view ng isang heritage site.
By Drew Nacino