Hinimok ng isang mambabatas ang pamunuan ng Professional Regulation Commission (PRC) na kanila nang ituloy ang pagsasagawa ng mga licensure examinations.
Ito’y ayon kay Iligan City Congressman Frederick Siao, makaraang itigil ng PRC ang pagsasagawa ng kanilang licensure examinations dahil sa nagpapatuloy na banta ng pandemya.
Nangangamba kasi si Siao na baka kulangin sa manpower ang bansa kung magpapatuloy ang hindi pagsasagawa nito.
Sigurado rin ani Siao na dadapa ang ekonomiya ng bansa kung walang licensure exams sa loob ng 2 taon.
Kasunod nito, iginiit ni Congressman Siao, na pupwede namang ituloy ang pagsasagawa ng examinations sa mga lugar na nasa ilalim ng mgcq, basta’t masusunod lamang ang mga umiiral na health protocols.