Dismayado ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa naging pasya ng Department of Agriculture (DA) na ipagpatuloy ang maanomalyang bidding nito sa pagbili ng mga urea fertilizers.
Ito’y sa kabila ng kaliwa’t kanang pagtutol ng iba’t-ibang agricultural group dahil sa anila’y overpriced na pagbili ng da sa mga nasabing abono na nakalaan para sa mga magsasakang apektado ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon kay SINAG chairman Rosendo So, nagtengang kawali ang kagawaran sa payo ng dalawang kapulungan ng Kongreso na maging maingat sa pagsasagawa ng panibagong bidding sa pagbili ng mga nasabing abono.
Ito’y kahit pa aniya mahigpit din ang bilin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lahat ng mga kawani ng pamahalaan na iwasang masangkot sa anumang uri ng katiwalian na siyang sumisira sa lipunan.
Ang bilyun-bilyong pisong halaga ng mga biniling abono ay kinuha ng DA mula sa stimulus program na Ahon Lahat, Pagkaing Sapat o ALPAS kontra COVID-19.