Nagsimula nang magdeploy ng tauhan sa EDSA ang Highway Patrol Group (HPG) upang pag-aralan ang galaw ng trapiko at maipatupad ang limang minutong biyahe mula Cubao hanggang Makati City na tulad ng kagustuhan ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Police Brigadier General Roberto Fajardo, nasa 100 miyembro ng HPG ang ipakakalat sa EDSA maliban pa sa mga traffic enforcers mula sa MMDA at local government units (LGUs).
Sinabi ni Fajardo na kung dati ay hanggang sita lamang ang HPG, ngayon ay binigyan na sila ng mandato para tiketan ang mga lumalabag sa batas trapiko.
Ticket lang kami ng magti-ticket. Mas maano ‘yan, e, kumbaga sa, mas mararamdaman ‘yan at mas masakit ‘yan. ‘Yung mga violation na tini-ticketan. Disiplina talaga ang kailangan, disiplina,” ani Fajardo.
Tiniyak ni Fajardo na ibubuhos ng HPG ang kanilang kakayahan para maipatupad ang kagustuhan ng pangulo na limang minutong biyahe mula Cubao hanggang EDSA.
Tiwala si Fajardo na sa pamamagitan ng mga ipatutupad nilang hakbang ay magiging kaaya-aya ang bumaybay sa EDSA kahit pa peak hours.
Kabilang sa mga inilatag na hakbang ng HPG ang paghihigpit sa bus lane, paglipat sa motorcycle lane sa tabi ng bus lane at pagtanggal sa mga bus terminals na nasa EDSA.
’Yun nga ang ano natin, kung kaya ‘yung sinasabi ni Presidente (Duterte) ‘yun ang target natin. Agaian, subject to changes ‘yan. Kasi hindi naman maiimplement kaagad ‘yan but we will adjust accordingly kung paano natin mapapaigting pa ‘yung traffic along EDSA from Cubao to Makati. Pipilitin namin, syempre, utos ni Presidente ‘yan, gagawin po hanggang sa kaya namin ‘yung 5 minutes. Pipilitin namin, pagtutulung-tulungan naman din,” dagdag pa ni Fajardo.
Ratsada Balita Interview