Inilarga na ngayong Huwebes, Disyembre 14, ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang 50 – kilometer per hour speed limit para sa public utility vehicles (PUV’s) partikular sa mga bus sa EDSA.
Layunin nito na mabawasan ang mga aksidente na kadalasang sanhi ng mabilis na pagpapatakbo ng mga PUV driver.
Magugunitang inaprubahan ng Metro Manila Council ang 50 – kilometer speed limit mula sa dating 60 – kilometer per hour speed limit, noong isang linggo.
Batay sa Metro Manila Accident Recording and Analysis System, nakapagtala ng mahigit 109,000 road accidents sa kalakhang Maynila noong isang taon o katumbas ng average 299 accidents kada araw.
Nagresulta na ito sa pagkamatay ng 446 katao at pagkasugat ng higit 20,000 iba pa.
Carpool lane sa EDSA hindi muna ipatutupad
Posibleng hindi muna ipatupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang high – occupancy vehicle (HOV) scheme o carpool lane sa EDSA, sa Lunes, Disyembre 18.
Ito, ayon kay MMDA Task Force Special Operations Head Bong Nebrija, ay bunsod ng mga hamong kinakaharap ng mga traffic enforcer sa isang linggong dry run ng HOV lane gaya ng pag – monitor sa mga lumalabag.
Ang mga heavily – tinted vehicle ang isa sa mga pinaka – malaking hamon na kanilang kinakaharap kaya’t maaaring ipagpaliban ang full implementation ng HOV lane, kung saan tanging mga sasakyan na may dalawa o higit pang pasahero ang pinapayagang dumaan sa EDSA.
Ipagpapatuloy aniya nila ang dry run at magpapatupad ng adjustment partikular sa mga posisyon ng kanilang mga camera hangga’t hindi nila nakakamit ang target nilang bilang ng mga violator.