Inatasan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na bilisan ang pagpapatupad ng amnesty program para sa mga natitirang miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Ito ang iniulat ni National Security Adviser (NSA) Secretary Eduardo Año sa isang press briefing na ginanap kamakailan.
Ayon kay Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Secretary Carlito Galvez Jr., nasasakupan lamang ng naunang Proclamation No. 404 ang tinatayang 40,000 ex-rebels na sumuko sa pamahalaan. Hindi kabilang dito ang mga natitirang miyembro ng komunistang grupo.
Sa kasalukuyan, naitalang mayroong natitirang 1,576 members ang CPP-NPA-NDF. Posibleng palawakin ang amnesty program at ilabas ang panibagong proklamasyon sa oras na magkaroon ng final peace agreements ang pamahalaan at ang komunistang grupo.
Ayon kay Sec. Año, inaprubahan na ni Pangulong Marcos ang finalization ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng proklamasyon bago masimulan ang pagbibigay ng pamahalaan ng amnestiya sa mga natitirang miyembro ng CPP-NPA-NDF.
Bilang pinuno, pinakamasakit para kay Pangulong Marcos ang makitang lumalaban ang isang Pilipino sa kapwa nitong Pilipino. Imbes na magsagupaan, mas mabuti aniyang pababain ang mga rebelde at tulungan silang magkaroon ng magandang buhay upang hindi na nila labanan ang kanilang sariling bansa.