Nanawagan ang ilang mga mambabatas para sa ganap na pagpapatupad ng Anti Hazing Law laban sa mga suspek sa pagkamatay ng isang kadete ng Philippine Military Academy o PMA noong nakaraang linggo.
Ayon kay Senador Migz Zubiri, tila wala pa ring natututunan ang mga fraternities sa kabila ng pagkakaroon na ng matibay na batas laban sa hazing na naipasa lamang noong nakaraang taon.
Dagdag ni Zubiri, hindi karapatdapat na tawaging katangi-tangi at kagalang-kagalang na opisyal ang mga sangkot sa pagkamatay ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio na bumalewala aniya sa prinsipyo ng PMA.
Samantala, mariin ding kinondena ni Senador Sherwin Gatchalian ang pagkasawi ni Dormitorio at iginiit na walang puwang sa isang sibilisadong lipunan ang hazing.
Kasabay nito, hinikayat ni Gatchalian ang pulisya at mga opisiyal ng PMA na mapapanagot ang lahat ng sangkot sa aniya’y brutal na gawain.