Inaprubahan na ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Guillermo Eleazar ang rekomendasyon ng Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) na suspindehin muna ang pagpapatupad ng Body Mass Index (BMI).
Ito ang inilunsad na programa ng pambansang pulisya para bantayan ang tamang timbang ng mga pulis depende sa kanilang taas o tangkad na kinakailangan para sa kanilang promosyon.
Ayon kay Eleazar, aminado siyang maraming pulis ngayon ang nagtabaan dulot ng mahabang lockdown subalit mas kailangan nilang pagtuunan ng pansin sa ngayon ay ang kalusugan at kapakanan ng kanilang mga tauhan lalo’t nariyaan pa rin ang banta ng virus.
Paliwanag naman ni PMGen. Rolando Hinanay, Director for Personnel and Records Management ng PNP, marami sa kanilang hanay ang hindi kayang abutin ang required BMI dahil sa kawalan ng exercise buhat nang magsimula ang panemiya.
Hindi kasi aniya kayang panatilihin ng mga nasa frontline at quarantine control points ang kanilang BMI dahil na rin sa tindi ng kanilang araw-araw na trabaho.
Binigyang diin pa ni Hinanay na hindi inirerekomenda ang biglaang pagpapapayat para lang makuha ang nararapat na BMI dahil lubhang delikado ito sa kalusugan ng mga pulis. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)