Iminungkahi ng OCTA Research Group ang pagpapatupad ng ‘circuit-breaker’ lockdown sa Metro Manila.
Ito’y matapos na makapagtala ang rehiyon ng halos 1,000 new daily COVID-19 cases nitong mga nakalipas na araw.
Ayon kay Dr. Guido David, ang reproduction number sa National Capital Region (NCR) ay umakyat na rin sa 1.33, na indikasyon na nagkakaroon ng patuloy na transmission ng virus.
Ang reproduction number ng NCR noong nakaraang buwan ay nasa 0.6 lamang.
Aniya, ang lockdown ay maituturing na preventive circuit na magandang ipatupad sa susunod na dalawang linggo.
Giit pa ni David, habang hindi pa aniya nababakunahan ang malaking populasyon ng bansa ay mabuting magpatupad muna ng mga hakbang na makakatulong sa pagpigil ng Delta variant. —sa panulat ni Hya Ludivico