Nanawagan sa Department of Education at Department of Health ang isang grupo para ipatupad ang anito’y mga nakaligtaang probisyon ng Reproductive Health Law sa gitna na rin ng tumataas na insidente ng teenage pregnancy.
Ayon kay Rom Dongeto, executive director ng Philippine Legislators Committee on Population and Development, umaapela sila sa DepEd para ipatupad ang ilang taon nang nabibiting comprehensive sexuality education na hindi naipatupad dahil sa personal at religious biases.
Hinimok ni Dongeto ang DepEd na makinig sa mga ebidensya at huwag ibase sa mga bias na ito ang kanilang tugon sa usapin.
Batay sa 2017 data ng National Demographc and Health Survey, isa sa sampung kababaihan na may edad 15 hanggang 19 ay nabubuntis na.
Lumalabas naman sa report ng Philippine Statistics Authority noong 2014 na tinatayang 24 na sanggol ang ipinapanganak ng kanilang teenage mothers kada oras.