May nakikitang problema si dating Metropolitan Manila Development Authority o MMDA Chairman at ngayo’y Presidential Adviser on Political Affairs Secretary Francis Tolentino sa panukala MMDA na ipagbawal na dumaan sa EDSA ang mga sasakyang driver lamang ang laman.
Ayon kay Tolentino, tama ang konsepto sa naturang panukala ngunit posibleng magkaroon ng problema ang ahensya sa pagpapatupad nito.
Sinabi ng kalihim na siyamnapu’t siyam (99) na porsyento ng mga sasakyan na bumabaybay sa Metro Manila ay tinted kaya’t mahihirapan ang mga tauhan ng MMDA na malaman kung ilan ang laman ng bawat sasakyan.
“Kapag nagbukas ka ng bintana sisitahin mo ‘yan eh meron tayong delay sa pagtakbo, paparahin mo ‘yan, dito sa atin nagti-tint na rin tayo ng windshield so pag pinara mo yun, pinatigil mo, mayroong delay.” Ani Tolentino
Batid ni Tolentino na layunin ng bagong panukala na mahikayat ang publiko na mag-carpooling.
Gayunman, hindi aniya maiiwasang magkaroon ng pag-aalinlangan ang mga motorista sa pagsasakay ng mga hindi naman nila kakilala.
Sa huli, nanawagan si Tolentino na bigyan ng pagkakataon ang MMDA.
“Dahil ito po ay panukala ng MMDA bigyan natin ng dry run siguro, subukan, napakahirap talaga ng pagpapatupad dito pero bigyan natin ng tiyansa ang MMDA baka naman ma-implement ito nang mahusay, baka tanggapin ng ating mga kababayan, so let’s give this scheme a chance.” Pahayag ni Tolentino
(Tol…Tolentino Online)
Samantala, panggagambala sa karapatan ng mga mamamayan sa paggamit sa lansangan.
Ito ang reaksyon ni Buhay Party-list Representative Lito Atienza sa panukala ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA na ipagbawal ang pagdaan sa EDSA ng mga sasakyang drayber lamang ang sakay.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Atienza na tila sa mga motorista pa isinisisi ang problema sa trapiko na dahil naman aniya sa kapabayaan ng gobyerno.
Binigyang diin ni Atienza na pagsikil sa karapatan ng mga motorista na gumamit ng lansangan ang bagong panukala ng MMDA.
“Ang solusyon isa lamang ang sakay ng isang kotse hindi puwedeng bumiyahe, aba eh karapatan po ‘yan ng isang taong nagsisikap, nakabili ng kotseng maliit. Ngayong may sasakyan na siya pagbabawalan pa siyang manehuin ang kanyang kotseng pinaghirapan. Saan ba nakatingin ang gobyernong ito kapag ganyan nang ganyan ang kanilang solusyon? Ang tao ang ginagambala samantalang ang korupsyon ay tuloy-tuloy sa lansangan.” Pahayag ni Atienza
(Ratsada Balita Interview)