Umapela ang MRT-3 management sa mga pribadong kumpanya na magpatupad ng ‘flexi’ time sa kanilang mga empleyado sa sandaling payagan na ang operasyon ng mga kumpanya.
Bahagi ito ng pahahanda ng MRT-3 sa pagbubukas ng kanilang operasyon sa sandaling ilagay na sa general community quarantine ang Metro Manila.
Ayon kay MRT-3 Director Michael Capati, dalawa hanggang tatlong oras ang nakikita nilang paghihintay ng mga pasahero bago makasakay ng MRT-3.
51 pasahero lamang anya ang papayagan sa kada bagon o 153 pasahero sa kada train na 13% lamang ng kanilang kapasidad.
Isang entrance lamang ng kada train ang bubuksan at magdedeploy ng marshals para magcontrol ng passenger traffic.
Nakapaglagay na rin ng mga markers ang MRT-3 sa mga pipilahan ng mga pasahero.
Sinabi ni Capati na hindi muna papayagang sumakay sa MRT-3 ang mga buntis, senior citizens at mga may edad 20 pababa.
Hindi rin makakasakay ang mga walang facemasks at mga may temperaturang 37.8°C pataas.