Nilinaw ng Department of Health (DOH) na ang ipinatupad nilang heightened surveillance ay para sa lahat ng dayuhang pumapasok sa bansa at hindi para sa mga manggagaling lang sa China.
Ito ang sinabi ni Health officer-in-charge Maria Rosario Vergeire kasunod ng kautusang idineklara noong Disyembre trenta’y uno ng nakaraang taon, kung saan itinampok ang mga dumarating mula sa China.
Ayon kay Vergeire, umaapela sila sa lahat ng mga biyahero hindi lamang mula sa China na sumunod sa nabanggit na kautusan.
Samantala, hindi pa inirerekomenda ni Vergeire ang paghihigpit pa ng restriksyon mula sa China.
Wala pa kasi aniyang nakikitang dahilan ang mga eksperto para gawin ito.
Bukod sa China, ang Estados Unidos ay nakaranas din ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 noong Disyembre dulot ng bagong Omicron sublineage na XBB.1.5, na ayon sa mga eksperto ang itinuturing na pinaka-nakakahawang subvariant ng Omicron sa panahon ngayon.