Hindi iaatras ng LTO o Land Transportation Office ang license plate standardization.
Sa kabila ng utos ng Commission on Audit (COA) na itigil na ang programa dahil iligal ang kontrata hinggil dito.
Ayon kay LTO Spokesman Jason Salvador, hindi nila sususpendihin ang program dahil maraming sasakyan ang maiiwang walang plaka.
Sinabi ni Salvador na hihintayin na lamang nila ang anumang direktiba ng Department of Transportation and Communication (DOTC) hinggil dito.
Kasabay nito, humingi muli ng paumanhin si Salvador sa publiko kaugnay sa delay nang pag-iisyu ng mga plaka.
Gagawan ng paraan
Samantala, kumpiyansa ang Malacañang na gagawa ng paraan ang DOTC o Department of Transportation and Communication maging ang LTO o Land Transportation Office upang hindi magkaaberya sa pagbibigay serbisyo, partikular sa usapin ng license plates ng mga sasakyan.
Ito’y matapos ipag-utos ng Commission on Audit (COA) sa ahensya na ihinto ang pinasok na kontrata sa isang Dutch-Filipino consortium sa license plate field.
Sinabi ni Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, dapat gumawa ng mga nararapat na hakbang ang LTO at DOTC para masiguradong magtutuluy-tuloy ang paghahatid-serbisyo sa mga mamamayan.
Marami nang motorista ang nagrereklamo sa LTO dahil sa makupad na proseso ng registration document at inaabot ng halos isang taon bago mai-release ang plaka ng kanilang mga sasakyan.
By Judith Larino | Avee Devierte | Aileen Taliping (Patrol 23)