Inihirit ni Interior Secretary Eduardo Año ang pagpapatupad ng localized lockdowns ng local government units sa Metro Manila.
Ayon kay Año, kahit isang kaso lang ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ay dapat i-lockdown ang lugar, ito ma’y isang komunidad, street, building o isang sambahayan.
Ito aniya ay para makapagsimula na ng pagbangon ng ekonomiya at makapagtrabaho na ang maraming Pilipino.
Kailangan lamang umano ng mabilisang aksyon sa oras na magkaroon ng kaso ng nakahahawang sakit.
Sinabi ng kalihim na ito ay napag-usapan na sa pulong ng Metro Manila mayors kasama ang mga opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority at ilang miyembro ng Inter-Agency Task Force.