Nais ng pamunuan ng Department of Interior and Local Government (DILG) na mas paigtingin pa ng mga lokal na pamahalaan sa National Capital Region (NCR) ang pagpapatupad ng mga ito ng localized lockdown.
Sa isinagawang pulong ng Inter-Agency Task Force (IATF), sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año, na patuloy pa ring tumataas ang bilang ng mga nagpopositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). Ito’y kahit bumababa naman ang bilang ng mga nasasawi dahil sa virus.
Kasunod nito, iginiit ni Año, na kasunod ng umiiral na general community quarantine (GCQ), dapat maging agresibo ang mga LGU’s sa pagpapatupad ng lockdown sa mga barangay na kanilang nasasakupan.
Samantala, ipinabatid din ni DILG Secretary Año, na target ng kanilang ahensya na dagdagan pa ang pwersa ng kapulisan sa lungsod na Cebu, para tumulong sa ipinatutupad na enhanced community quarantine (ECQ) roon.