Nasa kamay ng mga Local Government Unit (LGU) ang pagpapatupad ng mandatory COVID-19 vaccination sa gitna ng banta ng panibagong variant na Omicron.
Ipinunto ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na ang section 15 ng local government code ang basehan ng pagpapatupad ng sapilitang pagbabakuna.
Kailangan lamang anyang magpalabas ng executive order o ordinansa bago ito ipatupad.
Bagaman walang batas o national law kaugnay sa mandatory vaccination, may kapangyarihan naman ang mga L.G.U. na ipag-utos ito upang ma-protektahan ang kanilang mga constituent.
Binigyang-diin ng kalihim na ikinukunsidera namang ligal ang hakbang na ito maliban na lamang kung ipahihinto ng korte.—sa panulat ni Drew Nacino