Nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte na magiging marahas ang pagpapatupad ng Martial Law lalo na sa mga lalaban sa gobyerno.
Sa kanyang pagdating kahapon mula sa maiksing pagbisita sa Russia, sinabi ng Pangulo na hindi siya mangingiming gawin ang lahat para maprotektahan ang sambayanan.
Inatasan ng Pangulo ang Armed Forces of the Philippines para ipatupad ang batas militar, at lahat ng mga grupong lalaban sa puwersa ng gobyerno ay mamamatay.
Mariing sinabi ni Pangulong Duterte na shoot to kill ang sasapitin ng sino mang lalaban sa tropa ng pamahalaan lalo na yaong may mga itinatago o illegal na nag-iingat ng mga armas.
Bilin ng Pangulo sa militar, walang sasantuhin at ibalik ang kaayusan sa bansa.
Kasabay nito kinalma ng punong ehekutibo ang ordinaryong mamamayan na walang atraso o masamang ginagawa na huwag matakot dahil hindi sila gagalawin ng mga otoridad.
Sinabi ng Pangulo na bukas ang mga Korte sa buong Mindanao at papayagan ang mga pag-aresto ng walang warrant, paghalughog at checkpoints.
Kapag aniya identified ang isang sibilyan na kontra sa gobyerno, agad itong aarestuhin at idedetini ng mga otoridad.
Para naman sa mga Muslim at Kristiyanong may mga lisensiyadong baril, sinabi ng Pangulo na ipakita lamang ito sa mga otoridad at patunayang kailangan ito para protektisiyonan ang kanilang mga pamilya.
By: Meann Tanbio / Aileen Taliping