Wala nang atrasan ang implementasyon ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA ng mas mataas na multa para sa illegal parking at yellow lane violations simula bukas, Enero 7.
Ayon kay MMDA spokesperson Celine Pialago, wala nang magiging palusot ang mga pasaway na violator lalo’t tapos na ang holiday season.
Sa bagong kautusan ng MMDA, multang P1,000 para sa illegal parking ng mga attended vehicle mula sa dating P200 habang P2,000 para sa mga unattended vehicle; P1,000 din para sa yellow lane violation gayundin sa obstruction of road mula sa dating P150.
Nilinaw naman ni Pialago na saklaw lamang ng direktiba ang lahat ng public roads maliban sa mga subdivision at mga kalsadang mayroong parking ordinances.