Dapat bilisan at palawakin ang pagpapatupad ng national feeding program.
Ito ang apela ni Senator Risa Hontiveros sa Inter-Agency Task Force on Zero Hunger.
Ayon sa senadora, walang dahilan na ito ay maantala dahil sapat ang budget para dito ngayong taon.
Nakapaloob sa pambansang budget para sa taong ito ang P3.8 bilion para sa supplementary and school-based feeding program.
Batay ito sa Republic Act 11037 o Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act.
Sa ilalim nito, bibigyan ng masustansyang pagkain ang mga undernourished na kabataan na nasa public day care, kindergarten at elementary schools.
Ang DSWD at lokal na pamahalaan ang mamamahagi ng pagkain katuwang ang Department of Education.
Ngayong walang face-to-face classes, dapat pa rin umanong maipagpatuloy ang programa dahil dumami ang pamilyang kapus palad na mas nagugutom ngayon dahil may pandemya. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)