Pansamantalang ipinatigil ng korte suprema ang pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) na kasalukuyang ipinatutupad ng limang lungsod sa Metro Manila.
Ito ay batay sa resolusyon na inaksyunan ng Supreme Court En Banc hinggil sa petisyon na inihain ng ilang grupo ng transportasyon na kinabibilangan ng Pasang Masda; Transportation Industry Reform Party Inc. (KAPIT); Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP); at Alliance of Concerted Transport Organizations.
Ayon kay Chief Brian Keith Hosaka ng Supreme Court Public Information Office, ang nasabing kautusan ay epektibo na sa lahat ng lungsod na nagpatupad ng NCAP.
Sinabi pa ni Hosaka na anumang ordinansa o programa na may kaugnayan sa NCAP ay ipinagbabawal hangga’t wala pang ibinababang order o kautusan mula sa korte suprema.