Pinaigting pa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kanilang pagpapatupad ng ‘Oplan Isnabero’ ngayong papalapit na Kapaskuhan.
Sa pamamagitan ito ng pakikipag – ugnayan sa grupong Task Force Crusaders at react.org.ph para masawata ang mga pasaway na taxi drivers na tumatanggi o namimili ng mga pasahero at naniningil ng napakataas na pasahe.
Ayon kay LTFRB Technical Division Chief Joel Bolano, ang mga nasabing grupo ay magsisilbing dagdag puwersa ng ahensya at itatalaga sa ilang bahagi ng Metro Manila.
Paliwanag ni Bolano, ilan sa maaaring gawin ng mga miyembro ng Task Force Crusaders at react.org.ph ang sitahin at piliting papasukin sa bays ang ilang mga taxi drivers na nag – aabang lamang sa labas para mangontrata.
Samantala, kapwa nakahanda at nangako ang react.org.ph at Task Force Crusaders na aasistihan ang LTFRB sa kanilang Oplan Isnabero campaign.