Nanindigan si Cebu Governor Gwendolyn Garcia sa pagpapatupad ng opsyonal na paggamit ng facemask sa mga outdoor set-up sa kanilang lalawigan.
Ito ay matapos ihayag ng Department of the Interior and Local Government na hindi nila kikilalanin ang bagong ipinapatupad na Executive Order 16-2022 o ang “Rationalization the wearing of facemasks within Cebu.”
Ayon kay Governor Garcia, opsyonal lamang ito at required pa rin ang face mask sa mga may sintomas ng COVID-19 gayundin sa mga closed spaces at matataong lugar.
Aniya, nasa tamang panahon na rin kasi para amyendahan ang paggamot ng facemask dahil mayorya sa mga lokal na pamahalaan ay ibinaba na sa Alert Level 1.
Giit pa ng gobernador, ibinase nila ang kautusan sa on-the-ground observation.
Nanawagan din ito sa pambansang ahensya na igalang ang lokal na otonomiya ng kanilang lalawigan.