Laban – bawi ang pamahalaan sa pagpapasiya hinggil sa pagpapatupad ng travel restrictions ng mga biyaherong magmumula sa Estados Unidos.
Ito ay matapos bawiin ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang naunang anunsyo kaugnay ng travel restriction sa US bunsod ng natukoy na kaso ng bagong variant ng COVID-19 sa Colorado.
Ayon kay Roque, kanila na lamang ipauubaya sa Department of Health (DOH) ang pagpapasiya sa usapin dahil patuloy pa aniyang nakikipag-ugnayan ang kagawaran sa World Health Organization at US authorities.
Una rito, naging magkasalungat din ang ipinalabas na pahayag ng DOH sa pagpapatupad ng travel ban o restrictive travel sa US dahil sa banta ng bagong variant ng COVID-19.
Sa virtual briefing ng DOH, kinumpirma ni Health Secretary Francisco Duque III na kabilang na ang Estados Unidos sa 19 na mga bansang pinatawan ng travel ban ng Pilipinas.
Ito aniya ay upang mabigyan ng panahon ang pamahalaan na pag-aralan ang sitwasyon at tignan kung nakapasok na sa pilipinas o hindi pa ang bagong variant ng COVID-19.
Samantala, sinabi naman ni health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi pa opisyal ang naturang travel ban dahil kanila pang hinihintay na pormal na ipaalam ng US sa WHO ang naitalang bagong COVID-19 variant.