Sinegundahan ng liderato ng Philippine National Police o PNP ang naging pahayag ni Justice Sec. Menardo Guevarra na magiging discriminatory ang pagpapatupad ng “vaccine bubble” lalo na sa Metro Manila.
Ito’y ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar makaraang sabihin nito na masyado pang hilaw sa ngayon ang pagpapatupad ng mungkahing “vaccine bubble” o paghihiwalay sa mga bakunado at hindi pa bakunado kontra COVID-19.
Ayon kay Eleazar, marami pa rin sa mga pinoy ang hindi pa nabibigyan ng pagkakataon para mabakunahan dahil sa kakapusan ng suplay nito sa kasalukuyan.
Una nang iminungkahi ni Presidential Adviser on Entrepreneurship Joey Concepcion na dapat nang buksan ang ekonomiya para lamang sa mga bakunado na kontra sa virus.
Kaya naman nakiisa na rin sa panawagan ang PNP Chief sa publiko na huwag palampasin ang pagkakataon na magpabakuna kung may sapat namang suplay nito sa kanilang lugar.— ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)