Ipatitigil ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pagpapatupad ng window hours sa ilang bayan sa batangas na apektado ng pag-aalburuto ng Bulkang Taal.
Sa pulong balitaan ng DILG at NDRRMC sa Camp Crame iginiit ni Interior Secretary Eduardo Año, dapat maging istrikto sa mga panuntunan dahil nananatili pa rin ang banta ng pagsabog ng bulkan.
Ayon kay Año, kanyang aatasan ang mga LGU’s na ipahinto na ang pagbibigay ng mga window hour sa mga residenteng napagbigyan nang makabalik saglit sa kanilang mga tahanan.
Paliwanag ni Año, ipinatupad lamang ang window hour bilang humanitarian consideration sa mga inilikas na residente pero pangunahing prayoridad pa rin ng pamahalaan ang kaligtasan ng lahat.
Dagdag ng kalihim, hangga’t may nakataas na alerto, patuloy na iiral ang lockdown at mandatory evacuation sa paligid ng Bulkang Taal.
Magugunitang, pinapayagan ng mga lokal na pamahalaan ng Tanauan, Agoncillo at iba pang bayan sa Batangas na makabalik ng kanilang mga tahanan ang mga inilikas na residente para kunin ang kanilang mga alagang hayop at ilang mga gamit. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)