Minsan pang umapela si Senador Christopher “Bong” Go na dagdagan ng pamahalaan ang suporta sa maliliit na magsasaka at mahihirap na kanayunan, sa pagharap nila sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Sa video message sa relief distribution sa Talacogon, Agusan del Sur, binigyan diin ni Go na itaas ang financial support sa agricultural workers, dahil mahalaga ang kanilang papel upang matiyak ang food security sa bansa, sa gitna ng national health crisis.
“Lalo na sa panahon ngayon na apektado ng krisis ang ating ekonomiya, ‘back to basics’ tayo. Nakita natin kung gaano kahalaga ang agrikultura sa ating bansa at kabuhayan. Mabilis pong maibabalik ang sigla ng ating ekonomiya kung palalakasin natin ang sektor ng agrikultura sa mga probinsya,” sabi ni Go.
“Kaya suportahan po natin ang mga magsasaka at mangingisda. Tulungan natin silang malampasan ang paghihirap na dulot ng pandemya dahil ang sektor na ito ang bubuhay sa ating bansa pagkatapos ng krisis na ito,” dagdag pa niya.
Namahagi ang team ng senador ng snacks at masks sa kabuuang 1,048 rice farmers sa municipal hall. Ang ilang benepisyaryo ay nakatanggap din ng bisekleta para sa kanilang transportasyon at computer tablets para sa kanilang mga anak na magagamit sa kanilang blended learning.
Ipinaalala rin ng senador sa mga magsasaka na bigyan ng prayoridad ang kanilang kalusugan at protektahan ang sarili mula sa COVID-19 sa pamamagitan ng pagtalima sa health at safety protocols na itinakda ng pamahalaan. Hinimok din nito ang mga eligible na tumanggap ng bakuna na magpabakuna na sa lalong madaling panahon, kasabay ng pagtiyak na maari silang dumulog sa kanyang tanggapan sakaling kailangan nila ng tulong medikal.
“Kung may nararamdaman kayong sakit sa puso o ano man, ‘wag niyo na patagalin pa. Kadalasan ayaw ng mga Pilipino magpa-check-up dahil baka malaki ang gastusin sa ospital. Alam ko kung gaano ka hirap maging mahirap pero hindi niyo na kailangang magmakaawa para makahingi ng tulong sa gobyerno,” saad ni Go.
“Kaya kung may pasyente na hindi kayang operahan diyan ay tutulungan namin kayo makapunta sa Maynila. Kami na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang sasalo sa pampaospital ninyo pati pamasahe hanggang makauwi kayo,” dagdag pa niya.
Pinayuhan din ni Go ang mga magsasaka na i-avail ang mga serbisyo ng Malasakit Center sa Democrito O. Plaza Memorial Hospital sa Prosperidad.
Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, pinasalamatan ni Go sina Mayor Pauline Masendo, Vice Mayor Melchor Demegillo at Councilors Catherine Sauro, Elvin Maligsa, Jelyn Pugahan at Nila Madelo sa pagsuporta sa mga lokal na magsasaka, lalo na sa kinakaharap ngayong pagsubok.
Bilang Vice Chair ng Senate Committee on Finance, sinuportahan din ni Go ang maraming infrastructure development initiatives sa Agusan del Sur, gaya ng pagtatayo ng municipal evacuation center sa Barangay Del Monte sa Talacogon.
Una nang nagsagawa ang team ng senador ng kaparehong relief operation para sa 1,841 rice farmers sa Prosperidad.
Lahat ng aktibidad ay isinagawa nang may pag-iingat at mahigpit na sumunod sa government protocols laban sa COVID-19.