Tinutulan ng pamunuan ng University of the Philippine (UP) ang pagpapasawalang bisa ng kasunduan nito sa pagitan ng Department of National Defense (DND) noong 1989 kaugnay sa pagpapapasok ng mga sundalo’t pulis sa loob ng pamantasan.
Base sa sulat na pinadala ni DND Secretary Delfin Lorenzana kay UP President Danilo Conception nitong Enero 15, inaalis na nito ang bisa ng kasunduan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral laban sa mga komunistang grupo.
Ito’y taliwas sa dating kasunduan ng dalawang partido na kinakailangan muna ng pahintulot mula sa pamunuan ng UP bago makapasok at magsagawa ng operasyon ang pulisya o militar sa loob ng campus.
Nakatala rin sa pinadalang sulat sa UP na ilan sa mga estudyante ng pamantasan ang kinilalang miyembro ng CPP-NPA at ilan dito ay napatay sa operasyon ng militar at pulisya , samantalang ang ilan naman ay nadakip at sumuko sa otoridad.
Iginiit naman ng UP Office of the Student Regent and the Philippine Collegian, official student publication ng UP Diliman sa kanilang facebook post kung saan nakalakip ang sulat mula kay Lorenzana na isang paniniil sa academic freedom at kaligtasan sa loob ng unibersidad ang hakbang na ito.
Paglilinaw naman ni Lorenzana, hindi intensyon ng kapulisan o ng kasundaluhan na pigilan ang mga aktibistang grupo, academic freedom at freedom of expression ng mga mag-aaral.
Samantala, nauna nang itinanggi ng administrasyon ng UP ang akusasyon ng Pangulong Rodrigo Duterte na nanghihikayat ito ng mga estudyante na sumali sa mga komunistang grupo.— sa panulat ni Agustina Nolasco