Ipinapawalang bisa sa Korte Suprema ni Kabataan Partylist Representative Terry Ridon ang “no bio, no boto” policy ng Commission on Elections (COMELEC).
Sa 32-pahinang petition for certiorari and prohibition na inihain sa Supreme Court, iginiit ni Ridon na labag sa itinatadhana ng batas ang “no bio, no boto” policy ng COMELEC dahil inaalisan nito ng karapatan ang mahigit sa 3 milyong registered voters na hindi nakapag -biometrics na bumoto sa darating na 2016 elections.
Hiniling din ng kongresista sa kataas-taasang hukuman na maisailalim sa judicial review ang constitutionality ng Republic Act No. 10367 o “an act providing for mandatory biometrics voter registration” at ipawalang-bisa ang COMELEC resolution numbers 9721, 9863, at 10013, na may kaugnayan sa deactivation ng voter registration records.
Sa nakalap na talaan ng Kabataan Partylist mula sa COMELEC, nasa 3,056,601 registered voters ang hindi pa nakapag-biometrics hanggang noong katapusan ng Oktubre.
“Sa totoo lang madami namang paraan para patunayan ng ating mga kababayan sa COMELEC election officer na talagang sila po ang botante na gustong bumoto sa darating na halalan, sa tingin ko po ay may panahon pa ito, actually ang panawagan namin ay ibasura na ang ‘no bio no boto’ ng COMELEC kasi ang tingin po natin ay wala po itong constitutional basis.” Pahayag ni Ridon.
By Meann Tanbio | Ratsada Balita