Ininguso ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa si Pangulong Rodrigo Duterte kung bakit ibinalik niya sa puwesto ang grupo ni dating CIDG o Criminal Investigation and Detection Group Region 8 Director Superintendent Marvin Marcos.
Ito’y makaraang ibaba ng Baybay Regional Trial Court sa homicide ang kasong murder na unang isinampa laban kina Marcos kasunod ng pagpatay kay dating Albuera Mayor Rolando Espinosa Sr.
Sa pagdinig ng senado kahapon, inamin ni Dela Rosa na bagama’t may mali sa naging operasyon nila Marcos sa Leyte Sub-Provincial Jail kung saan napatay si Espinosa, wala naman siyang makitang dahilan para suwayin ang utos ng Pangulo.
PAKINGGAN: Bahagi ng pagdinig sa senado
Samantala, tiniyak naman ni Dela Rosa na walang kumpas si Pangulong Rodrigo Duterte sa naging desisyon ng PNP Internal Affairs Service (IAS) na ibasura ang kaso laban kay Marcos at sa labing walo (18) pang kasamahan nito.
PAKINGGAN: Bahagi ng pagdinig sa senado
NBI at DOJ panel nanindigang murder ang dapat ikinaso vs Supt. Marcos
Tiwala si Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon na nagkaroon ng sabwatan upang mapagtakpan ang kasong isinampa laban kina Superintendent Marvin Marcos at labing walo pang kasamahan nito.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, ginisa ni Drilon si Justice Undersecretary Reynante Orceo makaraang akuin nito ang pananagutan sa pagpapalabnaw ng kaso laban sa grupo ni Marcos.
Ayon kay Drilon, malakas ang loob ni Orceo na gawin ang nasabing hakbang nang hindi muna kumonsulta kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre.
PAKINGGAN: Bahagi ng isinagawang pagdinig ng senado
Una rito, kapwa nanindigan ang NBI o National Bureau of Investigation gayundin ang Department of Justice (DOJ) Panel of Prosecutors sa resulta ng kanilang imbestigasyon na planado ang ginawang pagpatay kay dating Albuera Mayor Rolando Espinosa Sr.
Ayon kay State Prosecutor Lilian Doris Alejo, maituturing nang iregular o hindi normal ang pagkuha ng search warrant laban kay Espinosa gayung nasa kulungan na ito kaya’t malinaw na murder ang dapat ikaso laban sa mga sangkot na pulis.
PAKINGGAN: Bahagi ng isinagawang pagdinig ng senado
Kasunod nito, sinabi naman ni Senador Panfilo Lacson na nais ng pamunuan ng pambansang pulisya na bigyan ng promosyon si Marcos kaya ito ginawang hepe ng PNP CIDG sa Region 12.
PAKINGGAN: Bahagi ng isinagawang pagdinig ng senado
- Jaymark Dagala