Suportado ng Philippine National Police (PNP) ang ganap na pagsasabatas ng panukalang SIM o Subscriber Identity Module card registration bill.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, P/BGen. Roderick Alba, malaking tulong ang naturang batas para malutas at mapigilan ang kriminalidad.
Sa ilalim kasi ng naturang panukala, bawat Pilipino ay magmamay-ari na ng iisang numero na maaaring gamitin anuman ang kaniyang mobile network provider.
Hindi na rin madaling makabibili ng mga SIM card dahil kailangan nang magpakita ng valid identification o ID kalakip ang registration form na ibibigay ng Public Telecommunication Entities.
Dahil dito, naniniwala si PNP Chief, P/Gen. Dionardo Carlos na sa pamamagitan ng nasabing batas, madali na nilang matutukoy ang mga nasasangkot sa krimen at madali na para sa kanila ang pagsasampa ng kaso laban sa mga criminal. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)