Kapwa iginiit ng Department of National Defense (DND) at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na napapanahon na upang ganap nang maisabatas ang Anti-Terrorism Bill.
Ito’y matapos ang nangyaring engkuwentro sa bahagi ng Better Living Subdivision sa Parañaque City nitong Biyernes, Hunyo 26, na ikinasawi ng apat, kabilang na ang mag-asawang financier umano ng Daesh ISIS inspired group na Abu Sayyaf.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, nangangahulugan lang ng presensya ng Abu Sayyaf sa Metro Manila na kailangan nang palakasin at paigtingin ang ipinatutupad na seguridad sa bansa.
Naniniwala si Lorenzana na mas mapapalakas ng bagong batas kontra terrorismo ang mga mekanismo ng sandatahang lakas upang labanan ang mga grupong nagtatangkang wasakin ang kaayusan at kapayapaan ng bansa.
Sa panig naman ni AFP chief of staff Gen. Filemon Santos Jr., ang presensya ng mga bandido sa kabisera ng bansa ay patunay lang na ginagamit ng mga ito ang pandemya sa COVID-19 upang sila’y makapagparami at makapagpalakas ng puwersa.