“Better late than sorry.”
Ito ang binigyang diin ni Philippine National Police (PNP) chief P/Gen. Archie Francisco Gamboa bilang pagsuporta sa pagpasa ng Kongreso sa panukalang Anti-Terror bill.
Ayon kay Gamboa, hindi mabibilang ang mga buhay at ari-ariang nawala gayundin ang mga nalugi sa ekonomiya ng bansa dahil sa terrorismo na siyang nagdudulot ng takot at pangamba sa publiko.
Bagama’t nahuhuli na aniya ang Pilipinas sa mga bansa sa Asya at Pasipiko na nagpasa ng nasabing batas laban sa mga terorista, mabuti pa rin at naipasa na ito.
Sa panig naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP), sinabi ng tagapagsalita nitong si Marine B/Gen. Edgard Arevalo na wala namang madaragdag sa kapangyarihan ng mga sundalo dahil sa pagpasa ng nasabing batas.
Giit ni Arevalo, binibigyan lang ng ngipin ang batas laban naman sa mga terrorista at galamay nito upang mapigilan ang mga masama nilang balak at mapanagot sa mga umiiral na batas.
Gayunman, tumanggi nang maglahad ng iba pang detalye ang heneral at hihintayin na lang muna nila ang tuluyang pagsasabatas ng nasabing panukala maging ang pagbalangkas ng implementing rules and regulations (IRR) bago nila ito ipatupad.