Hati ang Dalawang Kapulungan ng Kongreso sa hirit ni Pangulong Rodrigo Duterte na maipasa agad ang panukalang Bangsamoro Basic Law o BBL.
Ito’y para tuluyan nang maitatag ang Bangsamoro Government sa Mindanao na siyang inaasahang susi sa pagtatamo ng pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon.
Sa panig ng Senado, sinabi ng mga senador na malabo na nilang matalakay ngayong taon ang BBL dahil sa hindi pa rin sila tapos talakayin ang Tax Reform Bill gayundin ang panukalang budget para sa susunod na taon.
Ngunit sa panig naman ng Kamara, tiniyak ni House Committee on Muslim Affairs Chairman at Lanao del Sur Representative Jun Papandayan na kanila nang sisimulan ang pagtalakay sa nasabing panukala sa susunod na linggo.
Gayunman, aminado rin si Papandayan na malabo na ring matalakay sa Kamara ngayong taon ang BBL pero tiyak aniyang maipapasa nila ito pagsapit ng Marso ng susunod na taon.
—-