Malaki ang pag-asang maihabol pa sa pagtatapos ng 17th Congress ang pagpasa sa dagdag na excise tax sa sigarilyo.
Ayon kay Department of Finance (DOF) Assistance Secretary Tony Lambino, magsusumite na ng kani kanilang amendments ang mga senador para mapagbotohan sa second and third reading ang panukala sa Lunes, June 3.
Sinabi ni Lambino na hinihintay na rin ng Senado ang liham mula kay House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na nagsasabing handa ang Kamara na i-adopt na lamang ang bersyon ng Senado upang hindi na ito dumaan pa sa bicameral conference committee.
“Yung kaibahan po kasi yung rate talaga kung magkano ba ang magiging excise per pack, sa House mas mababa sa Senate mas mataas by a little below of P10. Yung sa House version po, estimate natin sa funding gap more than P50 billion. Sa Senate version, yung matitirang standing gap ay P45 billion na lang.” Pahayag ni Asec. Lambino.
DOF kinuwestyon ang shares na napupunta sa LGUs
Kinuwestyon ng Department of Finance (DOF) kung saan napunta ang share na nakuha ng mga local government units (LGUs) sa excise tax sa tabako.
Ayon kay Finance Undersecretary Tony Lambino, nasa batas na mabibigyan ng share sa kita ng excise tax ang mga LGU sa mga lugar na taniman ng tabako.
Kabilang dito ang mga lugar sa Ilocos Sur, Ilocos Norte, Abra at Pangasinan.
Sinabi ni Lambino na batay sa datos, nakakuha ng P17 billion ang mga LGU mula sa kita ng excise tax nuong nakaraang taon, halos apat na beses na malaki sa halos P4 billion produksyon ng tabako.